Wednesday, July 1, 2009

Awit ng Manlalakbay

Tula ni Jose Rizal

Kagaya ng dahong nalanta, nalagas,
Sinisiklut-siklot ng hanging marahas;
Abang manlalakbay ay wala nang liyag,
Layuin, kalulwa't bayang matatawag.

Hinahabul-habol yaong kapalarang
Mailap at hindi masunggab-sunggaban;
Magandang pag-asa'y kung nanlalabo man,
Siya'y patuloy ring patungo kung saan!

Sa udyok ng hindi nakikitang lakas,
Silanga't Kanlura'y kanyang nililipad,
Mga minamahal ay napapangarap,
Gayon din ang araw ng pamamanatag.

Sa pusod ng isang disyertong mapanglaw,
Siya'y maaaring doon na mamatay,
Limot ng daigdig at sariling bayan,
Kamtan nawa niya ang kapayapaan!

Dami ng sa kanya ay nangaiinggit,
Ibong naglalakaby sa buong daigdig,
Hindi nila tanto ang laki ng hapis
Na sa kanyang puso ay lumiligalig.

Kung sa mga tanging minahal sa buhay
Siya'y magbalik pa pagdating ng araw,
Makikita niya'y mga guho lamang
At puntod ng kanyang mga kaibigan.

Abang manlalakbay! Huwag nang magbalik,
Sa sariling baya'y wala kang katalik;
Bayaang ang puso ng iba'y umawit,
Lumaboy kang muli sa buong daigdig.

Abang manlalakbay! Bakit babalik pa?
Ang luhang inyukol sa iyo'y tuyo na;
Abang manlalakbay! Limutin ang dusa,
Sa hapis ng tao, mundo'y nagtatawa.

No comments:

Post a Comment