Baltog
NAGLIPANA pa ang mga halimaw nuong unang pumasok si Baltog sa mayamang lupa ng Ibalon. Balot ng madilim at masukal na gubat ang buong puok nang nagsimula siya, ang kauna-unahang nagtanim at nagbahay duon. Sinasabi pa sa mga alamat na alaala pa ng mga matanda na si Baltog ang kauna-unahang tao na sumuong sa Ibalon.
Ipinanganak si Baltog sa Boltavara, sa magiting na angkan ng mga Lipod, at simula’t simula pa, may taglay na siyang hiwaga (encanto, magic):
“Taga-Botavara siya may taga-bulag sa mata...”
Isa sa mga halimaw si Tandayag, mabangis na dambuhala (gigante, giant), kahindik-hindik na sawa (serpiente, boa constrictor) sa mga ibang ulat, baboy damo sa awit ng mga iba. Takot lahat kay Tandayag maliban kay Baltog. Pinatay niya ito at kinaladkad pauwi. Nagdiwang ang mga tao nang mabalitaan na patay na si Tandayag at ang lahat ng mga angkan sa mga baranggay ng Asog at ng Panicuason ay dumayo upang masdan ang napaka-laking bangkay ni Tandayag.
Handiong
MAY kasamang pangkat ng mga mandirigma ang bayaning Handiong nang dumating sa Ibalon. Marami silang panganib na sinuong, at libu-libong ulit sila nakipag-digmaan upang magapi ang mga halimaw na dinatnan nila. Una nilang nakasagupa ang mga dambuhala (higantes, giants), tig-iisa lamang ang mga mata (cyclops, one-eyed ), sa lupain ng Ponon.
Nagtatag si Handiong ng isang nayon sa Isarog, at nagsimula ang panahon ng pag-unlad para sa mga tagaruon. Sa kanyang pasimuno, nagtanim ang mga tao ng uri na palay na tinawag nilang “handiong” bilang parangal sa kanya. Si Handiong ang gumawa ng unang bangkang pandagat (bote marinero, sea canoe) sa Ibalon. Dahil sa halimbawa niyang ito, nahikayat ang iba’t ibang tao duon na tumuklas (invent) din ng sari-saring kagamitan.
Isang lalaki, si Ginantong, ang tumuklas at gumawa ng layag (vela, sail) at ugit (timon, rudder) na gamit pangtulak at pang-asinta sa paglakbay ng bangkang tinuklas ni Handiong. Si Ginantong din ang tumuklas ng araro (arado, plow), parihuela (carrito, wheelbarrow) at iba pang kagamitan (utiles, tools) sa pagbubukid. Ang iba pang si Ginantong daw ang unang gumawa ay suklay ( peine, comb) at ganta, sukat ng bigas o palay na katumbas ng 3 sa 4 bahagi (3/4) ng isang kilo.
Iba pang lalaki, si Hablom, ang tumuklas sa “hubulan” (telar, loom, “habian” sa Tagalog) na gamit pa hanggang ngayon panghabi ng tela (cloth). Samantala, ang matalinong Sural daw ang tumuklas sa panitik (abecedario, alphabet) at unang sumulat sa puting bato. Maniwaring may paaralan daw siya dati sa isang bahagi ng Peñafrancia Avenue sa kasalukuyang lungsod ng Naga.
Bantong
MAHABANG panahon mapayapang umunlad ang Ibalon sa pamumuno ni Handiong subalit walang magandang palad (suerte, luck) na nagtatagal, at ang Bicol, mula pa nuong Unang Panahon ay lagi nang sinalanta by marahas na kalikasan. Sumapit ang panahon ng malaking baha ( flood ) na pinawalan sa lupa ni Unos (borrasca, storm).
Tapos, nagsimula ang sunud-sunod na lindol (terremoto, earthquakes), sinabayan pa ng pagsabog ng 3 bulkan - ang Hantik, ang Kolasi at ang Isarog. Bumaon ang lupa, pati mga bundok ay gumuho, at maraming nayon sa Ibalon ang nawasak. Napunit din ang lupa mula sa Kalabanga hanggang sa Ponon, sa Magarao, na tinatahak ngayon ng ilog Inarihan.
Sa lakas ng mga lindol, umangat ang Pasacao mula sa dagat, pati na ang pulo ng Kotmo na bahagi ng Pasacao. Sa Kotmo ang tahanan ng isang halimaw, si Rabot, ang dambuhala (gigante, giant) na may katawang kalahati ay tao, at kalahati ay hayop (half-man, half-beast). Mabagsik ang kanyang kapangyarihan.
Inutusan ni Handiong ang kanyang kaibigan, si Bantong, upang puksain si Rabot. Nagsama ng 1,000 mandirigma si Bantong subalit talino, at hindi lakas ng katawan, ang ginamit niya laban sa halimaw. Hindi nila sinugod agad ang lungga (guarida, den), kundi nagmanman muna upang maunawaan ang ugali ni Rabot. Nakita ni Bantong ang malalaking bato (piedras, rocks) na nakapaligid sa lungga - mga tao na ginawang bato ni Rabot.
Pagtagal, namalayan ni Bantong na madalas at mahimbing matulog ang halimaw. Kaya minsang tulog si Rabot, ginapang siya ni Bantong. Sinaksak ng bayani sa dibdib si Rabot at namatay ang halimaw.
Nagbalik ang katahimikan sa Ibalon.
No comments:
Post a Comment