ISANG ARAW nuong Unang Panahon, sa nayon ng Hannanga, isang sanggol na lalaki ang isinilang sa mag-asawang Amtalao at Dumulao. Ang pangalan niya ay Aliguyon. Siya ay matalino at masipag matuto ng iba’t ibang bagay. Katunayan, ang napag-aralan niyang mahahalaga mula sa mga kasaysayan at pangaral ng kanyang ama ay marami. Natuto siya kung paano makipag-bakbakan nang mahusay, at paano umawit ng mga mahiwagang gayuma (encantos, magic spells). Kaya kahit nuong bata pa, tiningala na siya bilang pinuno, at hanga ang mga tao sa kanya.
Nang mag-binata si Aliguyon, ipinasiya niyang sagupain si Panga-iwan, ang kaaway ng kanyang ama, sa nayon ng Daligdigan. Subalit ang sumagot sa kanyang hamon (reto, challenge) ay hindi si Panga-iwan. Ang humarap sa kanya ay ang mabangis na anak nito, si Pumbakhayon, marunong ng hiwaga at bihasa rin sa bakbakan tulad ni Aliguyon.
Hindi naaling, pinukol ni Aliguyon ng sibat si Pumbakhayon. Kasing bilis ng kidlat, umiktad si Pumbakhayon upang iwasan ang sibat at, kagila-gilalas, sinalo sa hangin ang sibat ng isa niyang kamay! Wala pang isang kurap ng mata, binaligtad ni Pumbakhayon ang sibat at hinagis pabalik kay Aliguyon. Umiwas din si Aliguyon at sinalo rin ng isang kamay sa hangin ang humahagibis na sibat. Binaliktad din niya at ipinukol uli kay Pumbakhayon.
Pabalik-balik at walang tigil, naghagisan at nagsaluhan ng sibat si Aliguyon at Pumbakhayon hanggang umabot ng 3 taon, hindi pa rin tumigil ang
bakbakan, at walang nagpakita ng pagod o pagsuko. Subalit sa bangis at dahas ng kanilang paghahamok, kapwa sila humanga sa giting at husay ng kalaban, at pagkaraan ng 3 taong bakbakan, natuto silang igalang ang isa’t isa.
Biglang bigla, tumigil sina Aliguyon at Pumbakhayon at nahinto, sa wakas, ang bakbakan. Nag-usap at nagkasundo sila ng payapa (paz, peace) ng kanilang nayon ng Hannanga at Daligdigan. Buong lugod na sumang-ayon lahat ng tao sa 2 nayon, at ipinagdiwang nila ang kampihan ng 2 bayani.
Sa paglawak ng katahimikan, umunlad ang 2 nayon. Naging matalik na magkaibigan sina Aliguyon at Pumbakhayon. Nang sapat na ang gulang ni Aliguyon, pinili niyang asawa si Bugan, ang batang-batang kapatid na babae ni Pumbakhayon. Inalagaan niya sa bahay si Bugan hanggang lumaki itong napaka-gandang dalaga.
Ang pilining asawa naman ni Pumbakhayon ay ang kapatid na babae ni Aliguyon, si Aginaya. Ang 2 familia nila ay yumaman at iginalang ng lahat sa Ifugao.
No comments:
Post a Comment