Monday, July 13, 2009

Ang Mga Anak Ni Limocon

NUONG pinaka-unang panahon, nuong wala pang tao sa daigdig, naglipana ang mga limokon, isang uri ng kalapati ( paloma, dove) na malakas at marunong magsalita tulad ng tao bagaman at sila ay anyong ibon. Minsan, isang limokon ay nangitlog - isa sa bukana ng ilog Mayo, at isa sa puno o simula ng ilog ding iyon. Pagkaraan ng panahon, napisa (empollar, hatch) ang 2 itlog at, at sa halip na limokon, ang lumabas ay 2 tao - lalaki sa bukana, at babae sa sibulan, ng ilog Mayo.

Lumaki at matagal na panahon namuhay ang 2 unang tao nang magkahiwalay, at walang malay na ibang tao na buhay maliban sa sarili nila. Lumbay na lumbay sila kapwa, at panay ang hangad na magkaruon sila ng kasama.

Ang lalaki ang unang nawalan ng tiyaga at nagsigasig na maghanap ng kapwa tao dahil isang araw, may pumatid sa kanya habang tumatawid siya sa ilog. Malakas ang patid sa kanya, tumumba siya at muntik nang malunod. Nang maka-ahon siya, natuklas niyang makapal na buhok ang pumatid sa kanya, at ipinasiya niyang hanapin kung kangino nagmula ito.

Malayo ang narating paakyat sa pinagmulan ng ilog Mayo, inusisa ng lalaki ang magkabilang pampang hanggang sa wakas, natagpuan niya ang babae sa sibulan ng ilog. Tuwang-tuwa sila kapwa at nakakita na ng makakasama. Nag-asawa sila at maraming naging anak - mga tao na tinatawag pang Mandaya hanggang ngayon, at namumuhay pa rin sa tuntunin ng ilog Mayo.

No comments:

Post a Comment