NUONG simula, walang tao sa daigdig. Si Lumawig, ang pinaka-makapangyarihang diwa (espiritu, god ), ay bumaba mula sa langit at pumutol ng maraming yantok (caƱas, reeds). Pinaghiwa-hiwalay niya ang mga ito nang tig-2 bago ikinalat sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Tapos, inutusan niya ang mga ito.
“Magsalita kayong lahat!”
Walang kaabog-abog, ang mga yantok ay naging mga tao, - naging isang babae at isang lalaki ang bawat tig-2 ikinalat sa daigdig. At lahat sila ay nagsimulang magsalita subalit magka-kaiba ang kanilang mga wika.
“Mag-asawa kayong lahat!”
Ito ang sunod na utos ni Lumawig. Sumunod ang mga bagong tao at pagkaraan ng panahon, maraming mga anak ang isinilang. Pagtagal pa, nag-asawa-asawa rin ang mga anak kaya lalong dumami ang mga tao sa daigdig. Lahat ay nagsalita ng wika ng kanilang mga magulang kaya magka-kaiba ang usap-usapan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Napansin ni Lumawig na may mga kailangan ang mga tao, at lumapag siya muli sa lupa upang magbigay ng biyaya. Nilikha niya ang asin, at inutos sa mga tao sa isang puok na pakuluan ito hanggang matuyo at tumigas, at ipagbili sa mga kalapit-pangkat. Hindi naunawaan ng mga tao duon kung paano sumunod sa utos kaya nuong pagbalik ni Lumawig, nakita niyang ni hindi hinipo ang asin. Dinala niya ang asin sa puok na tinawag na Mayinit at ang mga tagaruon ang inutusan. Sinunod siya ng mga tagaruon at, dahil dito, ipinahayag ni Lumawig na sila ang laging mag-aari sa asin habang panahon, at sa kanila bibili ng asin ang ibang mga tao.
Tapos, nagpunta naman si Lumawig sa Bontoc at inutusan ang mga tagaruon na kumuha ng luwad (arcilla, clay) at gumawa ng mga palayok (ollas, pots) at banga (tinajas, jars). Nag-ipon ng luwad ang mga tagaruon subalit hindi nila alam kung paano maghugis kaya tabi-tabingi ang ginawang mga banga. Dahil dito, inutos ni Lumawig na lagi na silang kailangang bumili ng banga mula sa ibang tao. Sa puok ng Samoki nagtuloy si Lumawig at ang mga tagaruon ang pinagawa ng mga banga at palayok. Mainam at maganda ang natapos ng mga taga-Samoki kaya inutos ni Lumawig na sila na ang magiging may-ari ng pagpa-paso (alfareria, pottery), na dapat silang gumawa ng maraming palayok at banga na ipagbibili sa ibang tao.
Sa ganitong paraan, naturuan ni Lumawig ang mga tao ay naibigay sa kanila ang kanilang mga kailangan at gamit pa hanggang ngayon.
No comments:
Post a Comment