NUONG simula ng daigdig, wala pang lupa. Ang dagat lamang at ang langit ang naruruon, at sa pagitan nila ay isang lawin. Walang tigil ang lipad ng lawin at dumating ang isang araw nang napagod siya. Matagal siyang humanap ng malalapagan subalit walang nakita kaya naisip niyang galitin ang dagat.
Sa puot ng dagat, pinaghahagis niya ng tubig ang lawin hanggang umabot sa langit ang taas ng mga alon. Nagimbal naman ang langit at, upang mapahupa ang mga alon, binagsakan ng maraming bato ang dagat. Sa dami ng bato, nagtumpok-tumpok ito at nabuo ang iba’t ibang pulo sa ibabaw ng dagat. Sa wakas, tumigil ang talon ng mga alon.
Inutos ng langit sa lawin na lumapag sa isa sa mga pulo at duon mag-pugad. At huwag nang gambalain ang dagat at ang langit. Mula nuon, tahimik na namuhay ang lawin, at iba pang mga ibon, sa mga pulo sa pagitan ng dagat at langit.
No comments:
Post a Comment