Sa isang malayong lugar, may mag-asawang matagal nang hindi magkaanak sa kabila ng kasaganaan nila sa buhay.
Abot ang dasal nila kay Bathala na sana’y pagkalooban nga sila ng anak.
Isang gabi, habang nananalangin ang babae, nagpakita ang isang anghel sa kanya at nagwika, "Huwag kang matakot. Isinugo ako ni Bathala upang maghatid ng magandang balita. Kayo ay bibigyan na ng anak na babae na napakaganda. Tawagin ninyo siyang Ilang, subalit iwasan ninyo na mahawakan siya ng lalaki. Kapag nangyari iyon, mawawala sa inyo ang inyong anak," pahabol ng anghel.
Nang nadalaga na si Ilang, maraming lalaki ang naakit sa kaniya.
Labis na nangamba ang mga magulang niya na baka mahawakn ng mga lalaki kaya’t kinulong nila sa isang silid ang anak.
Matinding kalungkutan ang nadama ni Ilang. Lagi siyang umiiyak araw at gabi. Gabi-gabi ay nananalangin siya.
Dininig ni Bathala ang panalangin ni Ilang. Isang araw, biglang nabuksan ang bintana sa silid ni Ilang at siya’y tuwang-tuwang nakalabas. Nagmasid sa magandang hardin at lumanghap ng sariwang hangin. Walang anu-ano’y, biglang may nakakita sa kaniya. Tinawag siya ng isang lalake at hinawakan ang kaniyang palad.
Huli na nang dumating ang kanyang ina. Si Ilang ay unti-unting naglaho. Walang nagawa ang ina kundi umiyak na lang at sinabing, "Ilang… Ilang… nasaan ka na anak?" Isang napakabangong halimuyak ng isang bulaklak ang naamoy ng ina. Nanggaling ito sa lugar ng kinalubugan ni Ilang. May isang halamang unti-unting umusbong sa lupa. Ang halamang ito ay pinangalanang Ilang, bilang pag-alaala sa kanilang anak na si Ilang.
Sa paglipas ng panahon, ang Ilang ay naging Ilang-Ilang.
No comments:
Post a Comment