Noong unang panahon, sa kaharian ng Albay ay may isang makapangyarihang Rajah. Siya ay may anak na kaakit-akit na ang palayaw sa kanya ng mga tao sa Daragang Magayon na ang kahuluga'y "Magandang Dalaga."
Maraming naakit sa kanyang taglay na kagandahan kaya di mabilang na mga datu at mga ginoong tanyag ang nag-alay sa kanya ng pagmamahal. Ang isa sa mga nanligaw ay si Kauen, anak ng mayamang Rajah sa kanugnog na kaharian. Naghandog ng mahalagang hiyas at ginto ang binata subalit tumanggi sa regalo ang dalaga. Si Kanuen ay nabigo subalit nagyabang pa na ang dalaga ay magiging kanya pagdating ng araw.
Mula sa malayong Katagalugan narinig ni Gat Malaya ang nabalitang kagandahan ni Daragang Magayon. Marami siyang mga pagkakataong makaniig ang paraluman subalit nagkaroon ng mga sagabal. Minsan, malapi sa munting ilog, nakita ang dalagang namumupol ng bulaklak. Kinamaya-maya'y ang binibini'y nagtampisaw sa batis. Ang binata'y nagparinig ng himig ng masayang awit upang matawag ang kanyang pansin. Nagkatitigan sila at ang binata'y nginitian.
Nabuhayan ng loob ang prinsipeng Tagalog at ito'y nagsalita, "Magandang Mutya, mula ako sa malayo upang ikaw ay sadyain at Makita ang tangi mong kariktan!"
"Sino ka? Hindi kita kilala! Isa kang pangahas!"
"Ako'y si Gat Malaya, galing sa kahariang malapit ditto. Bigyan mo ako ng isang bulaklak at ako'y masisiyahan na!"
Bantulot na ihinagis ng dalaga ang bulaklak. Dumapo sa mga palad ng binata at ito'y kagyat na idinampi sa kaliwang dibdib.
"Maaari bang kita'y makitang muli?"
At nagsimula ang maraming tipanan ng dalawa sa makasaysayang batis.
"Isang araw," mungkahi ng lalaki, "kita'y iniibig. Tayo'y pakasal!"
"Ngunit ang Rajah? Ang aking ama?" may alinlangang paliwanag. "Dapat niyang malaman!"
"Huwag kang mag-alala! Hihingin ko ang kamay mo sa kanya!"
Pumayag ang Rajah. Ang batang prinsipe ay kanyang nagustuhan pagkat magalang at nakakahalina kung kumilos. Itinakda ng Rajah ang kasal sa pagbibilog ng buwan, matapos ang anihan.
Nagpaalam si Gat Malaya upang ipabatid sa kanyang mga magulang ang itinakdang kasalan. Kakaunin niya ang ama't ina at silang tatlo ay babalik sa Albay.
Nabalitaan ni Kauen (nabigong manliligaw) ang napabalitang pag-iisang-dibdib. Kanyang sinamantala ang pagkakataong wala si Gat Malaya. Pinuntahan niya si Daragang Magayon.
Matigas ang pagtanggi ng dalaga sa kabila ng mga pagbabala: "Kung hindi kita makamtan, walang magkakamit sa iyo sinuman!"
Ang prinsesa ay natakot dahil sa pagbabala sa buhay niya at sa kanyang ama. Siya'y sumagot, "Ako'y magiging iyo kung si Gat Malaya ay hindi bumalik!"
Nagtumulin ang mga araw at mga lingo. Malapit na ang tag-ani ngunit wala pa si Malaya. Hindi pa siya nagbabalik. Gabi-gabi ang dalaga'y nakaupo sa duruwangawan at naghihintay.
Nang dumating ang kabilugan ng buwan napilitan nang pakasal si Daraga kay Kauen. Nagkaroon ng maringal na handaan - kainan at sayawan.
Sa gitna ng kasayahandumating si Gat Malaya kasama ang mga magulang.
"Ako'y naparito upang angkinin ang aking nobya!" sabi ni Malaya.
"Hindi maaari!" tugon ni Kauen.
Nagkaroon ng sukatan ng lakas. Magugunita na si Malay ay subok sa espada subalit si Kauen naman ay malansi at mapaglalang.
Nang ihahagis ni Kauen ang kanyang sibat, si Daragang Magayon ay tumakbo upang pumagitna at sawayin ang dalaga. Sa kasamaang-palad, ang sibat ay tumama sa dibdib ng dalaga. Niyakap ni Malaya ito ngunit pataksil na sinibat ng katunggali. Kapwa nalagutan ng hininga ang magsing-ibig.
Nagluksa ang Rajah at ang buong palasyo. Ipinag-utos niya na ang dalawa'y ilagak na magkasama sa isang hukay.
Lumipas ang mga araw. Himala ng mga himala. Ang lupa sa puntod ng libing ay tumaas hanggang sa itoy maging bundok. Napakaganda at perpekto ang hugis. Tinawag itong Bundok ng Mayon, bilang alaala kay Daragang Magayon.
No comments:
Post a Comment