Ang bayan ng Binangonan ay nasa silangang dako ng Laguna de Bay. Ang dagat na ito ay nasa pagitan ng lalawigan ng Rizal at Laguna.
Noong unang panahon, ang mga nakatira sa bayan ng Binangonan ay magkakamag-anak, sila ay madasalin, nagdadamayan sa lahat ng oras, sa kahirapan man o kalungkutan.
Lahat ng ito ay nawalang saysay dahil sa isang malakas na bagyo na dumating sa bayan nila.
Marami ang mga nasaktan, napinsala ang mga kabuhayan dahil sa bagyo. Marami rin ang ipinadpad doon ng malalaking alon. Isa na rito ang isang lalaki na inakala nilang patay na dahil hindi ito humihinga.
“Sa ayos ng kanyang suot, hindi siya mangingisda, tulungan natin siya”. Wika ng alkalde ng bayan.
Pinulsuhan ng isang albolaryo ang lalaki. Minasahe niya ito at diniinan sa dibdib para mailabas nito ang nainom na tubig hanggang sa huminga ito at ng magkamalay nagpumilit bumangon ang lalaki.
Ang balita ay mabilis kumalat sa nayon at sa mga karatig na pook na may patay na bumangon.
Magmula noon, ang baybay-dagat ay tinawag nilang binangunan ng patay.
Ayaw magsalita ng lalaki kaya inakala ng mga tao doon siya ay pipi. Mabait at masipag ito kaya siya ay pinagkatiwalaan ng alkalde. Maging ang dalagang anak ng alkalde ay napalapit din sa kanya.
Bina ang pangalan ng dalagang anak ng alkalde. Si Bina ang nakatuklas na nakapagsasalita ang binata. Siya si Agustin at pinag-aaral siya ng isang pari sa Maynila. Napagbintangan siyang nagnakaw kaya siya ay lumayas at sa Pateros siya nanuluyan.
“Namangka ako para pawiin ang aking sama ng loob. Noon lang ako namangkang mag-isa. Inabutan ako ng malakas na hangin at inanod ako sa malayo ng lumaki ang mga alon. Lumubog ang aking sinasakyang Bangka, kumapit ako pero nawalan ako ng malay.” Malungkot na kwento ng binata.
“Kawawa ka naman.” Sambit ng dalaga. At doo’y naging magkaibigan ang dalawa.
Isang gabi, nagpasya ang dalawa na magtanan. Sa kabilugan ng buwan, dahan-dahan silang nanaog at pumunta sa tabing dagat, ngunit nakasalubong nila ang alkalde na nagpapahangin sa may dalampasigan.
Nahulaan ng alkalde na magtatanan ang dalawa kaya sag alit ng alkalde ay naging marahas ito kay Agustin hanggang sa mapatay ito.
Nabigla rin ang alkalde sa bilis ng pangyayari kaya’t tumakas ito at iniwan ang anak na umiiyak habang kalong ang binata. Sa sama ng loob ay nagdilim ang isip ni Bina, siya ay nagpakamatay sa tabi ng kanyang minamahal na lalaki.
Kinabukasan, natagpuan ng mga tagaroon ang dalawang bangkay sa mismong lugar na binangunan noon ni Agustin. Doon rin nila inilibing ang dalawa. At magmula noon, ang pook na iyon ay tinawag nilang Binangonan.
No comments:
Post a Comment