Ano ang Tanaga?
Ang tanaga ay isang maikling katutubong Pilipinong tula na naglalaman ng pang-aral at payak na pilosopiyang ginagamit ng matatanda sa pagpapagunita sa mga kabataan.
May estrukturang itong apat (4) na taludtod at pitong (7) pantig kada taludtod.
Mga Halimbawa ng Tanaga:
Alon
Mistula walang alat
kung humalik ang dagat
sa pampang. Kung yumakap
ay mahigpit, banayad.
Ulan
Nabilanggo sa ulap,
ang tubig ay lumayas
mulang kulungang bulak
ng langit. Nagsitakas!
Dagat
Sa bughaw nitong pusod,
naroon ang nalunod
na alaala. Sugod
sa lalim ng paglimot!
Buwan
Mata ng gabi, bakit
mo pa ba sinisilip
kaming nananaginip?
Di ka ba nangangawit?
Sulyap
Patunay ng pagtingin
ang iyong tingin: Bangin
ang matang mapang-angkin.
Mahulog nang palihim.
Bulong
Malumanay ang tawid
ng salitang sinambit
sa tenga. Iyong bibig:
bukal ng aking kilig.
Ambon
Dampi ng langit, haplos
ng tubig sa alabok
ng alaalang tuyot --
pinapawi ang kirot.
Alaala
Umaalon sa isip,
kahapong iniihip
ng simoy ng pagkapit.
Sakit, nanunumbalik.
Gayuma
Tahak ng tingin, tulak
ng sulyap, yakap, lapat
ng titig sa balikat,
hatak pa, kindat, hatak.
Dalisay
Pinong puso, sa isip
nagkikimkim: Ang nais
ay dungis. Hindi linis,
kundi putik sa kinis!
Wagas
Walang kaso ang piyok
sa harana, ang pusok
sa kanta. Mas marupok
ang puro: Nabubulok.
Unang Halik
Lumanay ng talulot:
Bukadkad ang pag-irog
na marahang humagod
sa labing di malimot.
Pusok
Kumpas ng kilig, kabig
ng bibig ang manalig,
ligalig. Sa gilagid,
ang dila, kumakahig.
No comments:
Post a Comment