Tuesday, June 30, 2009

Ang Kabayo at Ang Kalabaw

Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw
ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang
kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang
paglalakbay.

Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod at pang-
hihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit.

"Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit
keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?"
pakiusap ng kalabaw.

"Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo,"
anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad.

"Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng
dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig
sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang
katawan ko," pakiusap pa rin ng kalabaw.

"Bahala ka sa buhay mo," naiinis na sagot ng kabayo.

Makaraan pa ang isang oras at lalung tumindi ang init ng araw. Hindi
nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya
ay pumanaw.

Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng
gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang
makalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin.

"Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito
kabigat ang pasan ko ngayon," may pagsisising bulong ng kabayo sa
kanyang sarili.

No comments:

Post a Comment